



|
|
LAHING MAAASAHAN
Konsehal Boots Zapanta
Kumusta po kayo mga kababayan? Labis ang aking kasiyahan sapagkat nabigyan ako ng pagkakataong makapagsulat ng aking mga programa at adhikain dito sa bahagi ng Antipolo Tribune. Dagdag pa rito ang pagiging espesyal ng opisyal na pahayagan ng ating lungsod dahil ito ang year –ender edition. Dito makikita natin ang ilan lamang sa mga maraming nagawa ng ating butihing Punong-Lungsod sa iba’t- ibang aspeto ng serbisyo publiko. Kaalinsabay nito ang pagtutulungan ng dalawang sangay ng lokal na pamahalaan, ang ehekutibo at lehislatibo.
Sa kasalukuyan ang inyong lingkod ay abala sa paghahanda ng mga iba’t-ibang proyekto na naayon sa adhikain ni Mayor Angelito C. Gatlabayan. Gayunman, mas binibigyan natin ng konsentrasyon ang mga nakakatanda o senior citizens sa ating lungsod at ang pangangalaga ng ating kalikasan sapagkat ito ang mga komite sa konseho na naibigay sa inyong lingkod. Subalit, hindi nangangahulugan na hindi na natin bibigyan pa ng prayoridad ang iba pang mga mahahalagang isyu sa ating lungsod. Sa ngayon, nais ko na aktibo ring makibahagi ang lahat ng mga kabataan sa Antipolo sa pangangalaga ng ating kalikasan. Ang pagkakatanghal sa Antipolo bilang the Cleanest and Greenest Component City sa buong Pilipinas ay isang napakalaking hamon sa ating lahat upang higit na gumawa ng mga paraan upang mapanatili ang titulong ito.
Sa aking munting paraan, itataguyod ng aking tanggapan ang Antipolo League of Environmentalists kung saan ang mga mag-aaral sa publiko at pribadong paaralan ang magiging miyembro nito. Sila ang magpapalaganap ng mga proyekto na mangangalaga sa kanilang kinabukasan. Puspusan din ang ginagawa naming pagpapabilis ng pagpapasa ng ordinansang naglalayon na maging pansamantalang taniman o communal garden para sa mga senior citizens ang mga bakanteng lote dito sa lungsod. Pangunahing layunin nito ay upang makatulong sa pagkakaroon ng alternatibong pagkakakitaan ang mga nakatatanda.Ang mga bakanteng lote rin ang nakikita kong isang daan upang makapagtanim pa ng maraming puno sa Antipolo.Sa bawat 150 metro kwadradong bakanteng lupain nararapat na may 1 punong tanim dito.Bibigyang pansin din ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng Ligtas Tubig Seal at pagtalima ng lahat ng water delivery truck na nagrarasyon ng tubig dito sa Antipolo na sumailalim sa 2 beses na pagsusuri kada taon. Ito ang mabisang paraan upang masiguro nating ligtas ang ginagamit nating tubig sa ating mga tahanan. Bagama’t malapit nang matapos ang Patubig Sa Antipolo Project ng pamahalaang lungsod at ng Manila Water Inc. sa susunod na taon, ang pag-iingat ay mahalaga pa rin lalo na sa mga panahong wala pa ang ganitong uri ng serbisyo.
Sa darating na buwan, umasa po kayo sa pagpaptuloy ng aking programang libreng gupit sa bawat sitio ng inyong barangay at rasyon ng tubig sa inyong mga tahanan. Ito lamang po ang maliit kong ambag sa walang sawang pagtitiwala ninyo sa akin. Umasa po kayo na sa susunod na taon, higit ko pang dadagdagan ang mga proyekto na may kinalaman sa mga senior citizens, kabataan at sa ating kapaligiran.Ito ang tatlong matatag na sandigang aking pagyayamanin sapagkat naniniwala ang inyong lingkod na ang mga nakakatanda ang s’yang institusyon sa pag-unlad ng ating bayan. Ang kalikasan ay nararapat namang alagaan at pagmalasakitan ng mga kabataan ngayon sapagkat ito ang magiging pamana ng nakaraang henerasyon sa malusog nilang kinabukasan.
Lahat tayo ay magkaka-ugnay kaya’t nararapat lamang na tayong lahat ay magtulungan. Sa huli, hinihimok ko ang lahat ng mga taga-Antipolo na suportahan ang pagpapatuloy ng programa na may kinalaman sa literasiya at Clean and Green.Ito ang pagkakailanlan ng ating lungsod at isang marka ng ating punong-lungsod. Lalo natin itong pagyamanin. Maraming Salamat po sa Inyong lahat |